NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
ILANG oras bago ang nakatakdang pagharap sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, lumipad na palabas ng bansa si Atty. Zuleika Lopez, ang chief of staff ni Vice President Sara Duterte.
Base sa impormasyong naturang komite, si Lopez ay dumaan sa immigration counter sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 bandang 7:31 kagabi at lumipad lulan ng Philippine Airlines (PAL) flight PR 102 patungong Los Angeles, California dakonga als 10:30.
Bago pa man nakapuslit patungo sa Estados Unidos, hiniling ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua sa Department of Justice (DOJ) na isailalim si Lopez at anim na iba pang OVP officials sa immigration lookout bulletin matapos isnabin ang congressional inquiry sa nalustay na pondo ng mga tanggapan ni VP Sara.
Bukod kay Lopez, “no show” pa rin sa House probe sina Assistant Chief of Staff and Bids and Awards Committee Chair Lemuel Ortonio, Administrative and Financial Services Director Rosalynne Sanchez, Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta, Chief Accountant Julieta Villadelrey, and former DepEd Assistant Secretary Sunshine Charry Fajarda at former DepEd SDO Edward Fajarda.
Gayunpaman, binigyan pa rin ng pagkakataon ang apat na opisyales na dumalo sa susunod na pagdinig ng Kamara sa bisa ng subpoena ad testificandum.
Dalawa pang OVP officials, sina Budget Division Chief Edelyn Rabago at Chief Administrative Officer Kelvin Gerome Teñido ang pinatawag ng komite. Samantala, napag-alaman na ang mag-asawang Fajarda ay nasa OVP na rin matapos ang pagbibitiw ni Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Samantala, nagtataka naman si Chua kung bakit ang mga tauhan ng bise-presidente ay patuloy sa pagbabalewala sa imbitasyon para sumalang sa pagdinig.
Sa panig ni Manila 6th Dist. Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., senior vice chairman ng nasabing investigating panel, nabigyan na nila ng sapat na panahon at pagkakataon ang mga opisyal ng OVP para dumalo sa kanilang hearings.
“It’s unfair to us who have been here present and to all those resource persons who have been attending our inquiry. These OVP people have kept insulting us,” gigil na patutsada ni Abante.
Tiniyak rin ni Abante ang suporta sa mosyon para ma-cite in contempt ang mga nasabing OVP officials na hudyat ng paglabas ng mandamiento de arresto sa kabiguang makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa kuwestyunableng paggamit sa confidential and intelligence funds (CIF) ng OVP at DepEd na aabot sa kabuuang halaga na P612.5 milyon.
