NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA nakalipas na dalawang taon, umabot na sa P612.5 milyon ang kabuuang halaga ng pondong nawaldas sa ilalim ng kategoryang “confidential and intelligence funds” ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Ito ang isiniwalat ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua na tumatayong chairman ng House committee on good government and public accountability, kasabay ng pahayag ng pagkadismaya sa aniya’y kwestyunableng paggastos ni Vice President Sara Duterte
Ito ang isiniwalat ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na nagpahayag din ng pagkadismaya sa panibagong rebelasyon na ito sa hindi maipaliwanag na paggamit ng bise-presidente sa pondo ng dalawang tanggapan na pinamunuan nito.
“Ganun na lamang ang pagkadismaya marahil karamihan sa mga natuklasan natin dito sa House Blue Ribbon Committee. Nakita natin dito kung paano ginamit at ginastos ng OVP at DepEd ang pondong kompidensyal na ipinagkaloob sa kanila sa mga taong 2022 at 2023,” ani Chua.
“Marahil, pwede nang masabing improper ang gamit sa confidential funds ng mga ahensyang ito,” patutsada ng kongresista, kasabay ng panawagan sa mas malalim na pagsusuri — “Upang mas mabigyan pa tayo ng linaw, nararapat na masagot ang katanungang ito: anong nangyari sa pera ng taong bayan?”
Ayon kay Chua, pasok sa naturang halaga ang kwestyunableng paggamit ng CIF na inilaan sa DepEd na nooy pinamumunuan ni VP Sara, at maging ang OVP.
“Nasaan na ngayon ang P612.5 million? Sino ang gumastos nito at para saan ito ginastos?,” usal ng Manila solon.
“Masasagot lamang ito ng dalawang tao — una, ang Head of Agency, which in the case of both the OVP and the DepEd, is the Vice-President, at ikalawa ang Special Disbursement Officer (SDO) na sila Ms. Gina F. Acosta para sa OVP at Mr. Edward D. Fajarda para sa DepEd. Ngunit ni isa sa mga ito ay hindi nagpapakita sa atin,” ani Chua.
Sa huling bahagi aniya ng 2022 at sa kabuuan ng 2023, ang OVP ay nakatanggap ng P625 million confidential funds at ang P500 milyong sa naturang halaga ay patuloy na sinusuri ng Commission on Audit (COA) matapos masilip ang bakas ng irregularidad.
Kabilang sa mga nabisto ng COA ang paggastos ng P125 million sa loob lamang ng 11 araw noong December 2022 at pagbabayad ng P16 million para sa renta ng 34 safe houses.
“Sa P16 million na ito, makikitang may isang safe house na ginastusan ng P1 million base sa mga Acknowledgement Receipt para lamang sa apat na araw. Lumalabas na P250,000 per day ang upa at maintenance nito. Marahil kahit mag-check-in ka pa sa pinakamahal na hotel dito sa bansa ay hindi aabot ng ganito kalaki ang iyong bill,” dismayadong pahayag ng mambabatas.
Nasilip din ang paggastos ng OVP ng P16 million sa first at second quarter ng 2023 para sa safe house rentals habang itinanggi naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sila ang gumamit ng P15 milyong bahagi ng confidential funds ng DepEd para sa pagsasagawa ng Youth Leadership Summits.
