
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
“YUNG mayaman at makapangyarihan pwede palang hindi magpakita sa NBI kapag pinatawag, bakit yung mahihirap hindi pwede?”
Ito ang bungad na pahayag ni House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun sa pagmamatigas ni Vice President Sara Duterte at gamitin pa ang Kamara bilang dahilan sa hindi pagsipot sa patawag ng National Bureau of Investigation (NBI).
“Bakit yung mahihirap, hindi puwede? Bakit ang ordinaryong mamamayan ay kailangang sundin ang batas, pero ang makapangyarihan ay hindi?,” patutsada ng Zambales solon.
Giit ni Khonghun, una nang pinagbigay-alam ng Kamara ang pagkansela sa nakatakdang pagdinig ng blue ribbon committee para bigyan ng panahon si Duterte tugunan ang imbitasyon ng NBI.
“This courtesy was extended to allow the Vice President to focus on addressing the legal matter, yet she still failed to comply,” ani Khonghun.
Ayon kay Khonghun, nakakabahala ang ginawa ni Duterte dahil nagbibigay ito ng mensahe na ang mga opisyal ng pamahalaan ay maaaring balewalain ang batas habang ang mga ordinaryong mamamayan obligadong sumunod.
“Such actions set a dangerous precedent, sending the message that public officials can act above the law while ordinary citizens are expected to comply,” dugtong pa ng Zambales lawmaker.
“Kapag ang mataas na opisyal mismo ang hindi sumusunod sa batas, sinisira nito ang tiwala ng mga tao sa ating mga institusyon. Ang tanong ng taumbayan: Kung kayo nga hindi sumusunod, paano niyo aasahang sumunod kami?”
Tahasang sinabi ng ranking House official na “ang serbisyo publiko ay hindi lang pribilehiyo kundi responsibilidad. Dapat tayong maging ehemplo ng pagiging responsable at tapat, lalo na sa harap ng ating mga kababayan. Kapag ang lider mismo ang umiiwas sa pananagutan, sinisira nito ang dangal ng gobyerno.”
Hamon ni Khonghun sa bise-presidente — tuparin ang legal at moral obligations.
“Walang sinuman ang higit sa batas, kahit pa ang pangalawang pangulo. Ang pagsunod sa batas ay responsibilidad hindi lamang ng mga mamamayan kundi maging mga lingkod-bayan,” paala ng kongresista.
“Ang batas ay para sa lahat. Dapat walang kinikilingan, walang pinoprotektahan. Kapag hinayaan natin ang ganitong klaseng kawalan ng respeto sa batas, sinisira natin ang pundasyon ng ating demokrasya.”
“Ang mga nasa posisyon ay dapat maging huwaran, hindi sa pagtakas sa pananagutan kundi sa pagpapakita ng integridad. Ipakita natin na sa Bagong Pilipinas, ang lahat ay pantay-pantay sa harap ng batas,” pahabol ni Khonghun.