KATUWANG ang tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez, ganap nang binuksan ang TINGOG Partylist Center sa Nueva Ecija kasabay ng pamamahagi ng financial assistance at paglulunsad ng Kalusugan Karavans sa Tarlac, at Taytay, Rizal kamakailan.
Personal pinamahalaan nina Reps. Yedda Romualdez at Jude Acidre ang pagpapasinaya sa Tingog Center sa bayan ng Gapan, sa pakikipagtulungan ng grupo kay Nueva Ecija 4th District Rep. Emeng Pascual, sa pagnanais ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga residente ng naturang distrito.
Kasabay ng pasinaya, sumipa rin ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) payout sa Congressman Emerson Pascual Convention Center at Gapan City Gym, kung saan nasa tig-333 benepisyaryo ang binigyan ng cash assistance sa dalawang payout center.
Sa pagbubukas ng sangay sa Gapan, umakyat na sa 157 ang kabuuang bilang ng mga Tingog Centers sa buong bansa.
Sa pagbubukas naman ng Tingog Partylist Center sa Cabanatuan City, kasama si Board Member Jojo Matias, nasa 333 benepisyaryo ang nabiyayaan ng AKAP payout sa Honorato Perez Sr. Memorial High School.
Sa Quezon City, inorganisa din ang ang AKAP payout sa Quezon City High School kung saan pasok sa 2,000 benepisyaryo ang nabiyayan ng nasabing programa sa tulong ni Councilor Nanette Castelo-Daza.
Samantala, Kalusugan Karavan naman ang isinagawa sa Tarlac at Taytay, Rizal para matulungan ang mga residente na nangangailangan ng pangunahing tulong medikal.
“Ang araw ni Gat Andres Bonifacio ay isang paalala sa amin, bilang mga lingkod-bayan, ng tunay na dahilan ng aming paglilingkod. Sa bawat ngiti at pasasalamat ng mga kababayang nabigyan natin ng tulong at ayuda sa pamamagitan ng mga programa tulad ng AKAP, lalong tumitibay ang aming hangarin—na walang Pilipino ang maiiwan sa pag-asenso,” pahayag naman ni Acidre.
“Ang tapang at malasakit ni Bonifacio ang patuloy na nagbibigay inspirasyon sa akin at sa Tingog Partylist na maglingkod nang tapat, magtrabaho nang mas mabuti, at maging kaagapay ng bawat Pilipino sa kanilang mga pangarap, para sa mas maliwanag at magandang bukas,” dagdag pa niya. (Romeo Allan Butuyan II)
