
PORMAL na tinanggap ng Office of the Secretary General ng Kamara ang impeachment complaint na isinampa ng iba’t-ibang civil society groups laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, “constitutional obligation” ng Kongreso bigyan ng kaukulang aksyon ang bawat impeachment complaint na ihahain sa mababang kapulungan.
“The House of Representatives is constitutionally mandated to act on any impeachment complaint filed in accordance with the 1987 Philippine Constitution,” wika ni Velasco.
“The House has a duty to adhere to the processes outlined in the nation’s charter,” dugtong ng ranking House official.
“A verified complaint for impeachment may be filed by any Member of the House of Representatives or by any citizen upon a resolution of endorsement by any Member thereof.”
Pagtitiyak ni Velasco, paiiralin ang patas na pagsusuri alinsunod sa tamang proseso, kasabay ng giit na hindi poder kundi isang obligasyon ng Kamara ang tanggapin ang naturang reklamo.
Binigyang diin din ng opisyal ang kahalagahan ng impeachment proceedings sa pagpapanatili ng tiwala ng publiko at pagpapanagot sa mga opisyal na bigong tuparin ng tungkulin sa taumbayan.
“Impeachment proceedings are vital to preserve the integrity of the institution and affirming the principle that public officials are accountable to the people they serve,” giit pa ni Velasco.
Bandang alas-4:30 ng hapon ng isumite kay Velasco ang impeachment complaint ng mga kinatawan ng civil society organizations, religious leaders, sectoral representatives, at mga pamilya ng biktima ng extrajudicial killings sa nakaraang Duterte administration.
Ayon kay former Senator Leila de Lima na tumayong spokesperson ng grupo, 16 ang lumagda sa impeachment complaint kaugnay ng di umano’y paglabag ni Duterte sa mga probisyon sa ilalim ng 1987 Constitution, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at “other high crimes.”
“Ang wala lang na ground for impeachment is treason. So the majority of the grounds are present. And there are 24 articles of impeachment as discussed in the 33-page complaint,” sabi pa ni de Lima.
Sa pag-endorso ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña, itinuturing na isang verified complaint ang reklamo laban sa bise presidente
“Today, I formally endorse the first-ever and historic impeachment complaint filed by our citizens against Vice President Sara Duterte. This moment marks a critical juncture in our nation’s demand for accountability,” pahayag ng kongresista.
“I stand in full support of the brave citizens calling for Duterte to answer for her blatant violations of the Constitution, egregious corruption, and complicity in mass murder,” dagdag pa ni Cendaña. (Romeo Allan Butuyan II)