HINDI bababa sa 29 toneladang basura ang nakolekta ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos ang selebrasyon sa pagsalubong ng Bagong Taon sa National Capital Region (NCR).
Sa kalatas ng MMDA, umabot sa pitong truckloads ang ng pinaghalong debris ng mga firecrackers at pyrotechnics device, disposable containers, stick, plastic at mga hindi naubos na pagkain ang nakuha sa mga parke, pook-pasyalan at iba pang open spaces.
Paglilinaw ng MMDA, hindi pa kasama sa naturang dami ng basura ang kinokolekta ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Pag-amin ng ahensya, nananatiling problema ng gobyerno ang basurang naiiwan sa mga pampublikong lugar sa sa pagtatapos ng pagdiriwang.
Panawagan ng MMDA sa publiko, ikonsidera ang adbokasiya ng “Clay-Go” (Clean as you go), kasabay ng paalala sa nakaambang multa at parusa sa paglabag sa Republic Act 9003 na mas kilala sa tawag na Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
