MAS lumiit ang posibilidad na makamit ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang inaasam-asam na 12-0 sweep matapos malaglag sa ikalawang pwesto si ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, kasabay ng pag-arangkada ni reelectionist Senator Bong Go ng Partido Demokratikong Pilipino (PDP) sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Bukod sa Pulse Asia kung saan nakapagtala si Go ng 58.1 percent preferential rating, humataw rin sa unang pwesto ang naturang senador sa pre-election survey na pinangasiwaan ng MBC-DZRH.
Batay sa datos ng Pulse Asia, siyam lang sa mga pambato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pasok sa Magic 12, habang laglag naman sina relectionist Senator Imee Marcos na nasa ika-13 pwesto, former Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos sa ika-15 pwesto at si Francis Tolentino sa ika-19.
Pasok din sa Magic 12 ang dalawa pang kasama ni Go sa PDP senatorial line-up — sina relectionist Sen. Bato dela Rosa at komedyanteng si Willie Revillame.
Sa kabila ng kabi-kabilang paturtsada hinggil sa political dynasty, nagawa pa rin manatili sa Magic 12 ng broadcaster na si Ben Tulfo — kapatid nina Rep. Erwin at Senador Raffy Tulfo.
Isinagawa ng Pulse Asia ang pangangalap ng datos mula Enero 18 hanggang 25.
Isa isang pahayag, aminado naman si Go na hindi lubos ang kanyang kasiyahan bunsod ng aniya’y pagkakawatak-watak ng bansa dahil sa away-politika at ang pagdakip sa kaalyadong si former President Rodrigo Duterte kaugnay ng crimes against humanity na isinampa sa International Criminal Court (ICC) ng Magdalo group sa pangunguna ni dating Senador Antonio Trillanes III.
“Maraming salamat po sa inyong patuloy na suporta at tiwala sa akin. Pero sobrang malungkot ako ngayon dahil sa mga nangyayari sa ating bansa. Para akong nawalan ng isang tatay,” wika ni Go.
“Sa kabila nito, patuloy ang aking trabaho at pagbibigay ng serbisyong tunay na may malasakit. Kaya inuuna ko ang pagsusulong sa mga batas at programang makakatulong sa mga ordinaryong Pilipino, lalo na ang mga mahihirap at walang wala sa buhay,” dugtong ng senador.
