
HAYAGANG kinaladkad ni former Senator Leila De Lima ang pangalan ni Senador Alan Peter Cayetano sa madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon – bagay na inalmahan ng mambabatas na nagsilbing miyembro ng gabinete ni former President Rodrigo Duterte.
Partikular na tinukoy ni Cayetano ang pasaring ni De Lima kaugnay ng Oplan Tokhang na umano’y suportado ng noo’y Foreign Affairs Secretary.
Ayon kay Cayetano na nagsilbing kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Duterte administration, dapat ipatupad ang due process sa lahat ng mamamayan alinsunod sa itinakda ng 1987 Constitution.
“There are also accusations that are very unfounded, and I would dare say are lies, and there are also pang-palito sa issue,” ani Cayetano sa patutsada ng dating chairperson ng Commission on Human Rights na nag-imbestiga sa Death Squad ni Duterte sa Davao City, sa usapin ng International Criminal Court (ICC) sa dating chief executive na nakakulong ngayon sa The Hague.
Sa isang video statement, pinuna ni De Lima ang kredibilidad ni Cayetano sa pagtalakay ng human rights at due process of law na nakatakda sa Saligang Batas. Inakusahan din ni De Lima si Cayetano na kabilang sa mga nagbigay-suporta sa extrajudicial killings sa ilalim ng Duterte administration.
Buwelta naman ni Cayetano, hindi dapat gamiting sandata ang human rights sa pansariling interes sa pulitika.
Ipinaliwanag ni Cayetano na malinaw na nakatakda sa Saligang Batas na may karapatan ang bawat indibidwal sa due process – kabilang dito si dating Pangulong Duterte.
“‘Di ba nakalagay na ‘No person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law’? Si President Duterte po ay isang tao. Sabi po ng Constitution, ‘No person.’ Ako po, person din po ako. So paano mo sasabihin na ‘You’re the last person who should be talking about it?’ Wala pong ‘last person’ sa Pilipinas na pwedeng pag-usapan ang human rights kasi para sa lahat ‘yan,” aniya.
Kinastigo din ni Cayetano ng paratang ni De Lima hinggil sa isyu ng extrajudicial killings na niya kailanman sinang-ayunan.
“Kailan ko sinabing kulang pa yung patay? I always said that every life is valuable,” aniya.
Ibinabala din ni Cayetano ang pag-aresto kay Duterte nang hindi sumailalim sa tamang proseso na maaaring maging panganib na precedent at gamitin laban sa kalaban sa pulitika.
“Kaya pala sinasabi mo na isama na ako [sa ICC]. In the next few days, hindi lang si Senator Bato [dela Rosa] yan. Ang gusto ni Senator de Lima at ng iba nilang mga kaanib ay ubusin ang mga kalaban nila sa politika,” aniya.
“Hindi po ito human rights agenda para kay Senator de Lima, ito ay isang political agenda.” (ESTONG REYES)