MATAPOS umani ng kabi-kabilang batikos sa usad-pagong na tugon ng administrasyon sa mga sangkot sa malawakang korapsyon, inamin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang nalalapit na pagsasampa sa Sandiganbayan ng kaso laban sa mga senador at kongresistang sangkot sa flood control scandal.
Ayon kay Remulla, kabilang sa mga nakatakdang sampolan si dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co.
Gayunpaman, nanatiling tikom ang Ombudsman sa iba pang mambabatas na sinasabing kakasuhan sa loob ng isang buwan.
“May mga kongresista….[mga] senators, hindi pa ako sigurado,” wika ni Remulla sa isang panayam kasunod ng pagdalo sa budget deliberation ng panukalang 2026 budget ng Office of the Ombudsman.
Nang tanungin kung ilan — “Hindi ko rin mabibigyan ng estimate. Mahirap eh. Kasi may mga nakalatag na sa amin. May mga 8-10 na nakalatag sa amin. Syempre, in-evaluate lahat yan. So, do soon as possible tayo.
“Basta hindi na kagaya ng dati na snail phase. Talaga ito, talagang kailangan bilisan namin paspasan na. Kasi ganun naman dapat eh. Ang corruption, matagal na nangyayari, the deadline is yesterday, sinasabi ko lang,” dagdag pa niya.
Ayon kay Remulla, isa si Co sa mga kakasuhan dahil dawit ito sa mga ghost at substandard na flood control projects sa Mindanao.
“Malamang kasama [si Co]. Kasi ang naalala ko meron Mindoro case na kasama sa mga finile sa amin,” ani Remulla.
Samantala, sinabi din niya maghahain na sa Lunes sa Regional Trial Court (RTC) ng limang kaso ng flood control projects sa Bulacan.
“Yung 5 cases ng DOJ diretso na ng RTC,” ani Remulla. (ESTONG REYES)
