MABABAWASAN ang delihensya ng mga korap sa Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos ilipat sa mga lokal na pamahalaan ang pondong nakalaan para sa pagpapatayo ng mga classrooms.
Sa isinagawang regular Palace briefing, ibinahagi ni Undersecretary Claire Castro ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — tanggalin sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pondo at pangangasiwa sa pagtatayo ng mga silid aralan sa buong bansa.
Ani Castro, diretso na ang pondo sa mga local government unit sa hangaring pabilisin ang pagtugon sa kakulangan ng classrooms sa mga pampublikong paaralan.
“Alinsunod sa hangarin ni Pangulong Marcos na mabigyan ng direct funding ang mga lokal na pamahalaan para sa pagpapatayo ng mga classroom sa bansa, nakatakdang magkaroon ng memorandum of agreement ang DPWH, DepEd at local government units upang mapatupad ito,” wika ni Castro.
“Ang nais ng Pangulo, ang kakulangan sa classrooms ay dapat na mapunan sa lalong madaling panahon para sa kabutihan ng mga mag-aaral. Hindi pwede ang mabagal kumilos, iyan ang direktiba ng Pangulo,” aniya pa.
Sa ilalim ng babalangkasing memorandum of agreement, ibibigay ang pondo sa mga LGU para ipatupad ang konstruksiyon habang ang DPWH at Department of Education ang mangangasiwa at magmomonitor ng progreso.
Ayon kay Castro, layunin ng pinagsamang pagsisikap ng DPWH, DepEd at LGUs na makumpleto ang nasa 2,370 silid-aralan bago matapos ang susunod na taon.
