ANG pondong sadyang inilaan para sa mga maralitang mag-aaral, hindi nila pinakinabangan — bagkus ay ginamit para sa mga estudyanteng mula sa pamilyang pasok sa kategorya ng “mayaman.”
Para kay Senador Sherwin Gatchalian, bigo ang Senior High School (SHS) Voucher Program lalo pa’t hindi bababa sa P12.30 bilyon ang napunta umano sa mga non-poor beneficiaries noong taong 2024.
Batay sa pagsusuri ng tanggapan ng senador, ang natuklasang minimum leakage ay katumbas ng 47% ng ₱26.31 bilyong inilaan sa SHS Voucher Program School Year (SY) 2024-2025.
Gamit ang 2024 Annual Poverty Indicators Survey (APIS), napag-alaman ng senador na 67% ng mga benepisyaryo ng SHS Voucher Program para sa SY 2024-2025 ay mula sa mga non-poor households.
Sa pinakahuling pagdinig ng Senado, inihayag ni Gatchalian ang kanyang pagkadismaya sa kabiguan ng Department of Education (DepEd) na maglabas ng mga bagong guidelines upang tugunan ang mga hamong kinakaharap ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE).
Halos dalawang taon na ang lumipas simula nang pangunahan ni Gatchalian ang mga pagdinig kung saan pinuna ang pagkakaroon ng mga ghost students at bilyon-bilyong piso ng leakages.
“Ang gusto namin aksyon, hindi puro pangako. Nagiging volume game na ito ng mga eskwelahan, for profit na ngayon ang senior high school. Paramihan ng estudyante, tapos kayo ang sisingilin,” ani Gatchalian sa tinawag niyang modus.
Mungkahi ni Gatchalian na tumatayong chairman ng Senate Committee on Finance, tugunan ng mga bagong guidelines ang pinaka nangangailangan.
Angkop rin aniyang solusyonan ang mga leakages, tiyakin ang quality assurance, at maiwasan ang congestion o siksikan sa mga pampublikong paaralan. (ESTONG REYES)
