LUMIPAD na patungo sa bansang Sweden si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla para makipag-ugnayan sa gobyerno ng naturang bansa kung saan umano kasalukuyang nagtatago si former Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
“Yes… I’m going to be making some coordination calls. Maybe you’ll hear from me in the next two weeks kung anong mangyayari,” wika ni Remulla sa isang panayam.
“He’s using a foreign passport. So nakakaikot siya nang malaya doon. But now we’re gonna go harder na ire-red flag namin ‘yung foreign passport niya,” garantiya ni Remulla.
Nabisto ang pagbiyahe ni Co sa Sweden mula sa tinutuluyan nito sa Portugal dahil sa “apostille” ng isinampa ng petition for certiorari noong Enero 25 sa Korte Suprema laban kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Personal na nilagdaan ni Co ang petisyon sa notary public sa munisipalidad ng Nacka. Ang apostille ay isang patunay na “authentic” ang pinagmulan ng public document.
Target ng warrant of arrest si Co kaugnay ng mga kasong graft at malversation na may kinalaman sa P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro. (LILY REYES)
