SA kabila ng mga kinakaharap na reklamong plunder kaugnay ng flood control scandal, pinahintulutan ng Department of Justice (DOJ) ang paglisan ni former Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan patungo sa Estados Unidos.
Dahilan ni Bonoan — pagbisita sa asawang nagpapagamot sa Amerika.
Gayunpaman, walang impormasyon hinggil sa petsa ng pag-alis ng dating Kalihim na una nang idinawit sa malawakang korapsyon sa flood control projects sa ilalim ng Department of Public Works and Highways.
Una nang sinipot ni Bonoan ang paanyaya ng DOJ para sa isinagawang preliminary investigation sa isyu ng korapsyon may kinalaman sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
Sa isang ambush interview, kinumpirma ng dating kalihim ang pagsusumite ng ‘counter-affidavit’ hinggil sa reklamong plunder case na isinampa ng National Bureau of Investigation laban sa kanya at Senador Jinggoy Estrada.
Maliban sa plunder, nahaharap din ang former DPWH chief mga kasong paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, reklamong Direct Bribery and Receiving Gifts by Public Officers at Corruption of Public Officers.
Nakatakda naman ang susunod na preliminary investigation sa ika-23 ng Pebrero 2026. (JULIET PACOT)
