SA kabila ng bilyones na inilaan ng Kongreso para sa intelligence fund, bigo pa rin ang mga law enforcement agencies na matunton ang pinagtataguan ng puganteng gaming tycoon na umano’y utak sa likod ng “missing sabungero.”
Pag-amin ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, 10 lugar na pag-aari ni Atong Ang ang sinalakay ng mga operatiba. Ang resulta — nganga.
Ayon kay Remulla, isinagawa ang pagsalakay sa 10 properties batay sa mga nakalap na intelligence information.
“Nakasampung raids kami last week, negative lahat ng sites na pinuntahan namin. Pero, tuloy-tuloy ito. Mahahanap at mahahanap namin iyan,” paandar ni Remulla.
Kabilang sa mga sinalakay ang dalawang bahay ni Ang sa exclusive village sa Makati City.
Nanindigan naman ang DILG chief na nasa Pilipinas pa rin si Ang sa kabila ng mga impormasyong ibinahagi ng whistleblower na si Julie Patidongan na nagsabing wala na sa bansa ang dating amo.
Nag-isyu na ang mga korte ng arrest warrant kay Ang at sa iba pang kasabwat para sa kasong kidnapping with homicide kaugnay ng mga nawawalang sabungero.
Una nang humirit ang Department of Justice sa International Criminal Police Organization (Interpol) na maglabas ng red notice para sa agarang pagdakip kay Ang. (LILY REYES)
