KUNG seryoso ang gobyerno protektahan ang mga Pilipino, higit na angkop palawakin ang saklaw ng State of National Emergency.
Sa usang kakatas, partikular na tinukoy ni Senador Bam Aquino ang kahalagahan makontrol ang pagsasamantala ng ilang negosyante sa kinakaharap na krisis bunsod ng patuloy na pagsirit sa presyo ng langis.
Ayon kay Aquino, ang pagdedeklara ng state of national emergency ay magbibigay sa gobyerno ng dagdag ngipin para pigilan ang pagtaas ng halaga ng bilihin at matugunan ang krisis, sa halip na umasa sa state of national energy emergency na dineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bisa ng Executive Order 110.
“Baka hindi kasama dito iyong price control na kapag mayroon tayong state of national emergency, pwedeng lagyan ng price control o price cap iyong essential goods at basic commodities,” wika ni Aquino sa isang panayam sa radyo.
“Iyon naman ang isang hinahanap natin na kapag may state of national emergency or state of calamity ay pwede pong maglagay ng cap sa presyo ng pangunahing bilihin,” dugtong pa niya.
Una nang nagbigay-babala si Aquino hinggil sa krisis na matutugunan ng pamahalaan kung nay sapat na kapangyarihan ang Pangulo.
Bilang psmbungad, ibinahagi ng senador ang paghingi ng paglilinaw sa pagdinig ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee upang matukoy kung kasama ang nasabing probisyon sa Executive Order.
Bukod sa usapin ng price control, sinabi ni Aquino na hindi rin malinaw sa ilalim ng EO 110 kung maaaring gamitin ng mga local government units ang kanilang quick response fund (QRF) upang magbigay ng tulong sa mga nasasakupan.
“Pangalawa, iyong mga local government units na ating katuwang sa pagtulong sa ating kababayan, puwede nilang magamit ang QRF kapag may state of emergency. Hindi rin klaro kung pwede nilang gamitin iyan,” wika niya.
Samantala, sinabi ni Aquino na dapat gamitin ng pamahalaan ang mahigit P200 bilyong “available funds” bilang ayuda sa mga apektadong sektor.
Kabilang sa mga tinukoy na sektor ang mga transport worker, micro, small, and medium enterprises (MSMEs), magsasaka, mangingisda, guro, at mga healthcare worker, at iba pa.
“Kung tutulong na rin tayo, gawin natin nang maayos, gawin nating komprehensibo, gawin nating mabilis at tuloy-tuloy,” aniya pa.
Binigyang-diin din niya ang proteksyon sa mga pampublikong pamilihan ospital, at paaralan sa epekto ng krisis.
