TALIWAS sa inaasahan, walang naganap na pagbabago sa pamunuan ng senado sa pagbubukas ng sesyon, sa kabila ng pagsanib nina Senador Juan Miguel Zubiri at JV Ejercito sa minority ng mataas na kapulungan.
Samantala, tikom naman ang bibig ng mga senador na sinasabing ipapalit kay Senador Alan Peter Cayetano bilang Senate President.
Sa pagtatapos ng araw, nanatili sa pwesto si Cayetano na naluklok lang noong Mayo 11 matapos ang matagumpay na pagsipa kay Vicente Sotto III sa bisa ng 13 boto – kabilang ang puganteng mambabatas na si Sen. Bato dela Rosa.
Gayunpaman, hindi naging madali ang pag-agaw sa liderato ng senado.
Araw ng Lunes nang nakalipas na linggo nang maganap ang habulan sa pagitan ni dela Rosa at mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) para dakpin ang mambabatas na target ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng crimes against humanity na inihain ng pamilya ng mga pinaslang sa madugong giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Nang sumunod na araw, binulabog naman ng putukan ang loob ng senate building na dahilan para magpatupad ng lockdown sa senado.
