POSIBLENG magwakas ang paglilitis ng Senate impeachment court sa kalagitnaan ng buwan ng Disyembre, ayon kay House Deputy Speaker Janette Garin.

Sa lingguhang Saturday News Forum, ibinahagi ni Garin ang pananaw sa mga kaganapan sa senado. Aniya, mistulang nagkukumahog ang mga abogado ni Vice President Sara Duterte sa pagkabigo ng mga defense witnesses panindigan ang testimonya.

“Kitang-kita po. Of course, with due respect sa ating defense panel at sa mga abogado ng ating pangalawang pangulo,” ani Garin sa pulong-balitaan nang tanungin kung posible pang matapos bago mag-Disyembre ang paglilitis.

Pag-amin ni Garin, hindi inaasahan ng prosekusyon ang mga naging testimonya ng ilang testigo ng depensa.

“Nakikita naman, eh, na ako mismo ha, gulat na gulat ako doon sa mga witnesses or mga testigo ng depensa,” aniya. “Kasi parang napipilitan silang i-depensa ang mga bagay-bagay na hindi kayang i-depensa. Defending the indefensible is very difficult,” dagdag pa niya.

Sinimulan ng depensa ang paglalahad ng ebidensya noong Nobyembre 9 para sagutin ang alegasyon ng House prosecution sa pagkakaroon umano ng “unexplained wealth” ni  Duterte na aabot sa P817.87 milyon.

Binanggit ni Garin ang testimonya ng isang assessor mula sa Davao City na tinanong hinggil sa ari-ariang nakarehistro sa asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio, at ng isang city accountant na nagpaliwanag sa bayad na ginawa sa bise presidente. 

“Kaya kawawa minsan ‘yung sitwasyon ng kanilang mga witnesses,” ani Garin.

Nakatakdang magpatuloy ang paglalahad ng ebidensya ng depensa sa Nobyembre 19 at 20, na may inaasahan pang pagdinig sa Disyembre. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *