Ni Lily Reyes
IKINABAHALA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang napaulat na sa 1,107 lamang sa 1,634 local government units (LGUs) sa buong bansa ang may access sa sanitary facilities.
Ayon kay DILG Secretary Benjamin “Benhur’’ Abalos Jr., dahil sa mahigit kumulang sa 500 LGUs ang walang access sa sanitary landfills, posibleng kung saan-saan na lamang aniya itinatapon ng mga ito ang kanilang mga basura.
Giit pa ni Abalos, 20 porsiyento ng 61,000 metriko toneladang basura na nahahakot araw-araw ay mula sa Metro Manila.
Dahil dito, isinulong ni Abalos ang aktibong pakikipagtulungan sa pagitan ng mga LGUs at mga ahensya ng pamahalaan upang matugunan ang pamamahala ng basura at problema sa seguridad ng tubig sa bansa.
Ginawa ni Abalos ang panawagan sa katatapos na Waste and Water Summit sa SMX Convention Center na pinasimulan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) katuwang ang DILG.
Ang summit ay naglalayong palakasin ang ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng DENR, DILG, LGU at iba pang stakeholder sa lokal na antas at iba pa.
Sa partikular, hinimok ng DILG chief ang mga LGU na humingi ng tulong sa DILG at DENR upang mas mahusay na matugunan ang mga isyu sa pamamahala ng basura at mga problema sa tubig sa kanilang lokalidad.
