KAWALAN ng ulan at matinding init ang nakikitang dahilan sa likod ng patuloy na pagbaba sa lebel ng Angat Dam na pangunahing pinagkukunan ng water supply para sa 16 milyong residente ng Metro Manila.
Batay sa pinakahuling datos ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), nasa 208.80 metro ang antas ng tubig sa Angat Dam – hindi hamak na mas mababa kumpara sa 208.92 metro na naitala noong nakaraang Lunes.
Ayon kay MWSS Department Manager Patrick James Dizon, nasa 17 cm kada araw ang nababawas sa tubig sa Angat Dam. Wala naman aniyang dahilan para mabahala ang mga nakatira sa 16 lungsod at munisipalidad ng Pateros sa Metro Manila lalo pa’t sapat pa rin naman umano tubig ngayong parating na tag init.
Paliwanag ni Dizon, tumaas sa 214 metro mula sa inaasahang 212 metro ang water level sa nakaraang dalawang buwan noong 2023 dahil sa nagdaang mga pagbagsak ng ulan sa bansa.
Ang dalawang metrong dagdag, aniiya pa, ang nagsisilbing buffer stock sa pagsapit ng tag init.
