Ni LILY REYES
HINDI na umabot ng buhay sa pagamutan ang 31-anyos na rider matapos sumalpok ang minamanehong motor sa isang nakaparadang trak sa Quezon City, Biyernes ng madaling araw.
Dead on arrival sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang biktimang kinilala sa pangalang Gerik Emadem, residente mula sa Crescentwoods, Pingkian Dos, Barangay Pasong Tamo, Quezon City.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng truck na si Christopher Catayco, 38-anyos, may asawa at residente ng Mindanao Extension Santa Monica, ng nasabing lungsod.
Batay sa pagsisiyasat ni Cpl. Christopher Leano, bandang 1:00 ng madaling araw nang mangyari ang aksidente sa panulukan ng Commonwealth Ave., at Viatriz St., Brgy. Old Balara, Quezon City
Sakay ang biktima ng kanyang Yamaha Sporty na bumabaybay sa direksyon ng Elliptical Road nang hindi niya napansin ang nakaparadang Rebuilt Fuso Wing Van Truck na may plakang CBS-6369.
Ayon sa ilang saksi, nabulahaw ang mga residente ng nasabing lugar sa nilikhang ingay bunsod ng pagsalpok ng motor sa likurang bahagi ng nakaparadang trak.
