LUBHANG ikinabahala ng mga residente at mga establisyemento ang biglang pagsulpot ng isang sinkhole sa gitna ng Sales Road na hindi kalayuan sa Villamor Airbase sa lungsod ng Pasay.
Dakong alas 2:30 ng hapon noong Sabado nang isara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista ang Sales Road para bigyan-daan ang pagsasaayos na gagawin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa sinkhole.
Ayon sa mga residente ng naturang lugar, bandang alas 6:00 ng umaga nang mapansin ang pagsulpot ng malaking butas na puno ng tubig na pinaniniwalaang nagmula sa sirang tubo ng Maynilad.
Sa pagsusuri ng DPWH, nasa 10 talampakan ang lalim ng butas na may lapad na dalawang metro.
Batay sa pag-aaral ng mga eksperto, kabilang sa mga posibleng sanhi ng sinkhole ang paglambot ng lupa bunsod ng pagsiksik ng tubig, pagkadurog ng bato sa ilalim, pagmimina, mga deepwell na gamit ng mga istruktura at establisyemento, at bigat ng matataas na gusali.
Bagamat nangako ang Maynilad na magrarasyon ng tubig sa mga barangay na dumaranas ng kawalan ng supply, nananatiling tikom naman ang nasabing kumpanya sa agam-agam ng mga residenteng sinisisi ang water concessionaire sa pagsulpot ng sinkhole.
