Ni EDWIN MORENO
MAS mataas na antas ng pagsasanay na angkop sa hamon ng makabagong panahon ang isinasagawa sa West Philippine Sea ng mga sundalong Pilipino kasama ang mga pwersa mula sa ibang kaalyado bansa sa taunang Balikatan exercise, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Pag-amin ni Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) chief Maj. Gen. Bernard Banac, kasali na rin ang pambansang pulisya sa pagsasanay. Katunayan aniya, 156 miyembro ng PNP-SAF ang kalahok sa Balikatan.
Gayunpaman, nilinaw ni Banac na magmamasid lang ang PNP-SAF para sa angkop na kaalaman sa sea, air, at land operations, command control, at cybersecurity.
Paglalarawan naman AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, katangi-tangi ang kinasang Balikatan ngayong taon.
“This Balikatan exercise is distinctive due to its scale and evolving nature, adapting to contemporary security challenges. Every Balikatan is increasingly more complex than the last. It has evolved from the tactical to the operational level of war,” wika ni Col. Padilla.
Hindi man hayagang tinukoy ang sinasabing “hamon,” lumalabas na pinaghahandaan na ng Pilipinas ang posibilidad na mapasabak sa giyera sa gitna ng patuloy na paglala sa sitwasyon bunsod ng patuloy na pambabarako ng China sa West Philippine Sea na pasok sa 200-nautical mile exclusive economic zone ng bansang Pilipinas.
Patunay nito ang multilateral maritime exercise ang gagawin sa pagitan ng mga naval at coast guard ships ng Pilipinas, Estados Unidos at France.
Una nang inamin kamakailan ng pamahalaan ang pagpasok sa Philippine Coast Guard sa taunang pagsasanay.
