
“KUNG gustong bumawi ng Malacañang dapat i-certify as urgent ng Pangulo ang wage hike.”
Ito ang mariing pahayag ni Akbayan Partylist Rep. Percival Cendaña matapos ang panibagong paghahain ng House Bill No. 00766 o ang panukalang pagpapatupad ng P200 minimum wage hike.
“Matagal nang nalulunod sa taas presyo ng mga bilihin at matagal nang sumisigaw ng saklolo ang mga Pilipino. Noong 19th Congress may mga aktibong humarang sa gabinete sa P200 wage hike–salbabida na sana naging bato pa,” wika ng Akbayan partylist solon.
Para kay Cendaña, isang insulto sa hanay ng mga manggagawa ang inaprubahan na P50 wage increase ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Ang masaklap pa aniya, hindi makikinabang ang mga obrero sa labas ng Metro Manila.
“Kung seryoso ang DOLE dapat suportahan nila ang panawagan naming gawing priority measure ng Pangulo ang wage hike,” giit pa ng kongresista. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)