PARA sa mas epektibong kampanya laban sa kabi-kabilang korapsyon, money laundering, at iba pang financial crimes na sumisira sa tiwala ng publiko sa pamahalaan, iminungkahi ni Leyte Rep. Martin Romualdez amyendahan ang Bank Secrecy Law.
Partikular na target ng House Bill No. 7 na akda ni Romualdez amyendahan ang Republic Act No. 1405 para bigyan ng kapangyarihan ang ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na siyasatin ang mga deposito sa bangko, kabilang ang foreign currency accounts na iniuugnay sa iligal na aktibidad.
“We want to send a clear message: the Philippines should no longer be a safe haven for dirty money. If we want honest governance and a stronger financial system, we must update our laws and give our regulators the tools they need to protect the people’s money,” wika ng lider ng Kamara sa ilalim ng 19th Congress.
Sa panig nina Tingog partylist Reps Jude Acidre at Andrew Julian Romualdez, na tumayong co-author ng panukala, nilinaw nilang bagamat ang orihinal na layunin ng RA 1405 ay palakasin ang tiwala ng publiko sa banking system, kapuna-puna anila ang paggamit ng bangko bilang taguan at panangga ng mga ilegal na aktibidad gaya ng money laundering at katiwalian.
“In its current form, the law is being used to shield illegal acts such as money laundering, tax evasion, and corruption. That needs to change,” giit pa ni Romualdez.
Nakasaad sa naturang panukalang batas ang pagbibigay ng kapangyarihan sa BSP na busisiin, kung may sapat na dahilan ang Monetary Board na maghinala ng pandaraya o iregularidad na kinasasangkutan, ang mga opisyal, stockholders, empleyado, o sinumang konektado sa mga institusyong sakop nila.
Kasama rin sa maaaring imbestigahan ang mga ipinasarang bangko at mga foreign currency deposit, maliban sa mga nasa thrift associations na para lang sa mga miyembro.
Upang maiwasan ang pang-aabuso at mapanatili ang karapatan sa privacy ng mga lehitimong depositors, lilimitahan ang paggamit ng BSP sa anumang impormasyon. Ang mga natuklasan ay gagamitin lamang sa loob ng ahensya o maibabahagi lamang sa mga institusyong gaya ng Securities and Exchange Commission (SEC), Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC), Anti-Money Laundering Council (AMLC), Department of Justice (DOJ), o korte—at tanging kung kinakailangan ng batas.
Nilinaw rin ng panukala ang kahulugan ng “deposito” at tiniyak ang proteksyon sa mga bangko at empleyadong kumikilos alinsunod sa utos ng BSP at sa batas. Walang pananagutang kriminal o sibil ang sinumang sumunod nang may kabutihang loob.
Samantala, ang sinumang mapatunayang naglabas ng impormasyon nang walang pahintulot ay papatawan ng parusang pagkakakulong mula dalawa hanggang sampung taon, at multang mula ₱50,000 hanggang ₱2 milyon.
Giit ni Romualdez ang pagbibigay ng malinaw na kapangyarihan ng BSP ay magpapatibay sa oversight power ng mga institusyon, magpapalakas sa tiwala ng mga kapitalista, at magbibigay proteksyon sa sistemang pampinansyal ng bansa laban sa pang-aabuso. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
