HINDI pa man nag-iinit sa pwesto, agad na napansin ng mga beteranong mambabatas ang apat na bagitong kongresista matapos magpamalas ng sinceridad at katapatan sa sinumpaang mandato bilang kongresista.
Partikular na tinukoy ng mga ranking officials ng mababang kapulungan sina Andrew Julian Romualdez (Tingog), Javier Miguel Benitez (Negros Occidental), Ryan Recto (Batangas), at Brian Poe-Llamanzares (FPJ Panday Bayanihan).
Sa isang working lunch, nagkaroon ng aktibong talakayan,palitan ng ideya at pananaw ang grupo ng batang kongresista – na kalaunan ang binansagang House Hotshots.
Usap-usapan din sa hanay ng mga prominenteng mambabatas ang landas na tinatahak nina Romualdez, Benitez, Recto at Poe-Llamanzares na pawang may mga katangiang angkop sa serbisyo publiko, mabuting pamamahala at pagbalangkas ng batas.
Bilang neophyte lawmakers, tinalakay ng apat ang mga aral na kanilang natutunan mula sa isinagawang Executive Course on Legislation, na nakatuon sa mga prayoridad sa lehislatura upang magdala ng pambansang kaunlaran sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Naging pagkakataon din ang naturang pulong upang talakayin ang posibleng pagtutulungan sa mahahalagang reporma sa polisiya, estratehiya sa pagpapaunlad ng mga distrito, at mga panukalang pagpapalakas ng pananagutan sa susunod na tatlong taon.
Ang mga mambabatas ay kabilang sa ikalawang batch ng mga kalahok sa tatlong-araw na Executive Course on Legislation, na inorganisa ng Kamara sa tulong ng Center for Policy and Executive Development (CPED) ng University of the Philippines – National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG).
Ang programa ay idinisenyo upang higit pang palalimin ang kapasidad ng mga kasapi ng 20th Congress sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin bilang mambabatas.
Kaya naman magiging kaabang-abang din ang magiging partisipasyon nina Romualdez, Benitez, Recto at Llamanzares sa iba’t-ibang committee hearings at sesyon sa plenary hall ng Batasan Complex. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
