Ni EDWIN MORENO
TARGET ng Philippine Army magsagawa ng sariling imbestigasyon kaugnay ng di umano’y mga “reservists” na bahagi ng tinaguriang “Angels of Death” na nagsisilbing private army ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.
Sa panayam sa radyo kay Col. Louie Demaala na tumatayong tagapagsalita ng Philippine Army, wala pang natatanggap na reklamo ang kanilang sangay ng sandatahang lakas kaugnay ng pagkakasangkot ng Army reservists sa armadong grupo ni Quiboloy.
“Sa ngayon, wala pong narereceive na pormal na report at complaints sa mga nababanggit na issues na ito. However, nag-aantay tayo from the Philippine National Police. I believe na ongoing ang kanilang investigations sa alleged involvement ng reservist natin sa Davao,” wika ni Demaala.
“While waiting, nagcoconduct ng internal investigation ang PH Army through Army Reserve Command. But as of now wala pa talaga tayong natatanggap na formal na complaint sa issue.”
Ibinunyag ng isang aminadong miyembro ng Angels of Death na nasa kustodiya ng Davao regional police office na kabilang di umano sa private army ni quiboloy ang mga reservists ng Armed Forces of the Philippines.
Ayon sa hindi pinangalanang miyembro ng Angel of Death, ginagamit di umano ni Quiboloy ang private army sa pananakot sa pamilya ng mga biktima.
Paglilinaw ni Demaala, walang kontrol ang Philippine Army sa mga reservists kaya naman aniya ipauubaya na nila ang imbestigasyon sa PNP.
“Generally wala lang control ang PH army sa kanila kaya pinauubaya muna namin ang investigation sa PNP,” dagdag pa ng Army spokesperson.
“They are affiliated reservist unit pero meron kasing sa batas na once di namomobilize as per approved ng Congress or authorities, di pa talaga sila under control ng Army.” aniya pa.
Gayunpaman, nilinaw ni Demaala na hindi biro ang pasabog na kumaladkad sa hanay ng mga reservists.
“Kasi maapektuhan nito yung kabuuan ng reserved force natin kaya very serious yung Philippine Army dito. Rest assured na once may mainvolve talaga dito, the PH army will not hesitate to remove itong mga allegedly involve dito sa paggawa ng mga illegal activities from the roster of the reserved force o buong unit nila, affiliated reserved unit.”
