Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HINDI na papopormahin ng minority group sa Kamara si Vice President Sara Duterte para maiwasan maulit ang katampalasan sa paggasta sa limitadong pondo ng bansa, ayon sa isang militanteng kongresista.
Sa isang kalatas, tiniyak ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers partylist Rep. France Castro na maninindigan ang Makabayan bloc kontra sa paggagawad ng “social fund” sa tanggapan ni VP Sara para sa susunod na taon.
Paliwanag ng kongresistang kasapi sa tinaguriang Makabayan bloc sa Kamara, hindi wastong bigyan ng budget ang anumang tanggapang may kwestyunableng paggamit ng pondo. Sa kaso aniya ng Office of the Vice President, malinaw aniya ang ginawang paglustay sa P125 million confidential and intelligence fund (CIF) noong taong 2022.
“Given the previous misuse of confidential funds, we must ensure that public funds are allocated and utilized properly. Hindi natin pwedeng payagan na maglaan ng hiwalay na budget para sa social services sa isang opisina na may kaduda-dudang track record,” pahayag ni Castro.
“The COA’s findings are clear. Kung hindi kayang i-manage nang tama ang P73 million confidential funds, paano natin pagkakatiwalaan ng mas malaking halaga? This is about protecting taxpayers’ money from potential misuse,” dagdag pa niya.
Partikular na tinukoy ng ranking House minority official ang kautusan sa OVP ng Commission on Audit (COA) na ibalik ang P73 milyong bahagi ng P125 million CIF, dahil sa notice of disallowance o nakitang maling paggastos ng nasabing halaga.
Sa pagsalang sa House Committee on Appropriations, wala aniyang matinong sagot si Duterte sa mga katanungan hinggil sa paggastos ng CIF ng OVP.
“We asked, and the Vice President could not give clear answers. Sinimot niya ang confi funds pero ayaw niyang i-explain kung paano ginamit. How can we, as lawmakers, justify giving her more funds when she cannot even account for the money she has already spent? Again, this is not about politicizing — ito ay tungkol sa pagprotekta ng pinaghirapan, pinagtrabahuan at pinagpawisan pera ng bawat Pilipino,” giit pa ni Castro.
Para kay Castro, mas magiging kapaki-pakinabang ang social funds ng OVP kung ililipat na lang sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) – ang ahensyang may mandato magpatupad ng iba’t-ibang social services.
“By funneling the budget to the DSWD, we can ensure that the funds are used properly and reach those who need them most,” pahabol ni Castro.
