WALANG masama sa pagkakaibigan lalo pa’t sa tamang landas ang patutunguhan ng magandang samahan. Pero sa kaso ng puganteng si Apollo Quiboloy at dating Pangulong Rodrigo Duterte, malinaw na pakinabang sa isa’t isa ang batayan ng kanilang tinatawag na pakikipagkaibigan.
Sa mga nakalipas na araw, sumentro ang balita sa lungsod ng Davao kung saan patuloy ang paghahanap sa tinaguriang “Appointed Son of God” na nahaharap sa mahabang talaan ng mga kasong pasok sa kategorya ng “heinous crime” kabilang ang child sexual abuse, human trafficking, money laundering at iba pang karumal-dumal na gawain.
Kung pagbabatayan ang mga alegasyon laban sa lider ng Kingdom of Jesus Christ (kulto, sa tingin ng iba), hindi angkop na tawaging pastor si Quiboloy.
Pero dahil sa magarang abito, marami ang nabudol at naging tagapanalig na ngayo’y ginagamit para hindi makalawit.
Taong 2021 nang sampahan ng mga bigating asunto sa Estados Unidos si Quiboloy na inireklamo mismo ng kanyang mga babaeng miyembro. Sa testimonya ng mga biktima, nabistong sangkot ang lider ng KOJC sa sexual abuse, conspiracy, at child trafficking.
Maging sa Pinas, may mga nakabinbin din siyang kaso sa husgadong naglabas ng mandamiento de arresto.
Sa lahat ng bulilyaso ni Quiboloy, hindi kumibo si Duterte.
Bakit nga naman niya sasalingin ang taong malaki ang ambag sa kanyang kampanya nang kumandidato bilang Pangulo noong 2016. Hindi rin niya nais magtampo sa kanya ang KOJC na may 5-milyong miyembro. Hindi niya kayang galawin ang kanyang “spiritual adviser.”
Kaya naman sa kanyang pagbaba sa pwesto, sinuklian ni Quiboloy si Duterte. Sinuportahan ang kandidatura ng anak niyang si Sara. Ginawa pa siyang administrador ng mga kayamanan ni Quiboloy – pero syempre may kapalit.
Kinondena ni Duterte ang aniya’y paglabag sa karapatang pantao ng mga KOJC members.
Susmaryosep! Hindi ba’t sa kanyang termino bilang Pangulo naitala ang pinakamaraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa kasaysayan ng Pilipinas?
Sa datos ng iba’t ibang progresibong grupo, higit pa sa bilang ng mga napatay sa panahon ng Martial Law ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ang pinaslang sa unang anim na buwan pa lang ng pekeng giyera kontra droga.
Sigaw pa ni Duterte, katarungan sa mga biktima ng tinawag niyang “political harassment” at “abuse of authority” ng mga pulis na kanyang ginamit sa kabi-kabilang patayan kesehodang madamay pa ang mga sibilyan.
Hirit pa niya, pairalin ang batas na kanyang binalewala sa loob ng anim na taon.
Aysus, tapang na hanggang dada lang ang matandang bahag naman ang buntot sa patawag ng Kamara.
Bigla ko naalala ang komentaristang si Waldy Carbonell na hinamon ng duelo ni Duterte. Sumipot si Ka Waldy. Umurong ang yagbols ng naghamon.
