
WALANG anumang nangyaring panggigipit sa likod ng pagbibitiw sa pwesto ni dating Independent Commission For Infrastructure (ICI) special adviser Benjamin Magalong.
Ito ang mariing pahayag ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) kaugnay ng pinakahuling pahayag ni Ka Eric Celiz sa isang video kung sinasabing nagbitiw umano si Magalong dahil sa panggigipit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Para kay Goitia, ang pahayag ni Ka Eric ay isang malinaw na “kasangkapan ng panlilinlang” sa hangaring baluktutin ang katotohanan at lasunin ang tiwala ng taumbayan.
“Si Mayor Magalong mismo ang nagpaliwanag na siya’y nagbitiw sa pwesto upang pangalagaan ang integridad ng pamahalaan kontra korapsyon. Ito ay kanyang personal at may prinsipyong desisyon,” ani Goitia.
“Ang bersyon ni Ka Eric na may utos ang Pangulo na itigil ang imbestigasyon o kaya’y tumanggi si Magalong na makipagpulong sa Malacañang ay pawang kasinungalingan. Walang ganung utos mula kay Pangulong Marcos. Ito’y gawa-gawa lang para maghasik ng kalituhan at magpahina sa integridad ng bayan.”
HINDI LANG MINSAN
Ayon kay Goitia, higit na kilala na si Celiz sa paulit-ulit na pagkakalat ng mga kwentong walang batayan.
“Hindi na ito bago. Ilang beses nang nagpasikat si Ka Eric sa pamamagitan ng mga mapanirang sabi-sabi na agad ding bumabagsak kapag sinusuri.”
“Ang kanyang rekord ay malinaw na nagpapakita ng padalos-dalos na mga paratang na walang pruweba. Hindi siya whistleblower, kundi imbentor ng mga kuwento,” ani Goitia.”
MAGALONG ISNABERO?
Kumbinsido rin si Goitia na wala sa personalidad ni Magalong ang pagiging isnabero — lalo pa’t lubos na iginagalang ng alkalde ang Pangulo.
“Ang Tanggapan ng Pangulo ay hindi palengke ng tsismis. Ang paggawa ng kwento tungkol sa mga umano’y pagtanggi ay kababawan at kawalang-galang,” ani Goitia.
“Si Mayor Magalong ay taong may integridad. Nararapat na igalang ang kanyang desisyon at hindi gawin drama ng mga taong nabubuhay sa iskandalo.”
BUDOL SA MILITAR
Mariing binatikos ni Goitia ang umano’y tangka ni Ka Eric na isabit ang Sandatahang Lakas sa mga kinakalat na kwento.
“Maging malinaw tayo: iresponsable ang gamitin ang AFP bilang props ng kasinungalingan at haka-haka,” babala ni Goitia. “Iisa lang ang sagradong tungkulin ng ating mga sundalo: ang ipagtanggol ang Republika sa ilalim ng sibilyang pamumuno. Ang pagpapakalat ng tsismis na sila’y balisa o nagbabalak tumiwalag sa gobyerno ay insulto sa kanilang dangal.”
“Nagtatanim ito ng takot sa halip na tiwala at pinahihina ang institusyong nagbabantay sa ating demokrasya. Ang mga lumalapastangan sa karangalan ng ating uniformed personnel gamit ang mga kasinungalingan ay dapat managot.”
FAKE NEWS LANG
Nilinaw din ni Goitia na bagamat may kalayaan sa pananalita, hindi sakop nito ang sadyang kasinungalingan.
“Linawin natin: ang kalayaan sa pananalita ay hindi kalayaan para magsinungaling,” aniya. “Si Ka Eric at ang mga katulad niya ay iniisip na basta sila’y nagsasalita ay bahagi iyon ng demokrasya, pero kung ang mga salita ay nakabatay sa kasinungalingan at layong manggulo, iyon ay hindi demokrasya. Iyon ay sabotahe, at ang sabotahe ay hindi kailanman dapat ituring na kalayaan.”
PARA SA DEMOKRASYA
Panawagan ni Goitia, huwag palinlang sa mga bulaan.
“Karapat-dapat ang mga Pilipino sa katotohanan, hindi sa hysteria. Ang Pangulong Marcos ay namumuno ng may hinahon, pag-iingat, at integridad. Patuloy niyang iginagalang ang batas kahit pilit binabaluktot ng mga kritiko.”
“Huwag nating hayaan hatiin tayo ng mga kasinungalingan ikinakalat ng mga katulad ni Ka Eric o pahinain ang tiwala sa ating mga institusyon. Ang tsismis ay lumilipas, ngunit ang katotohanan at ang Republika ay mananatili,” aniya pa..
“Ang pagkakaisa sa likod ng Pangulo, at hindi ang kaguluhan mula sa mga tsismoso, ang siyang magtatanggol sa ating demokrasya,” pagtatapos na Giotia na tumatayo rin lider ng People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. (MARISSA SON)