ANG pinangangambahan na posibleng mangyari sa Metro Manila at mga karatig probinsya, tumama sa lungsod ng Bogo sa lalawigan ng Cebu.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pumalo na sa 69 katao ang nasawi matapos yanigin ng magnitude 6.9 na lindol ang Bogo City.
Nasa 147 indibidwal naman ang nagtamo ng pinsala sa katawan at patuloy na binibigyang lunas sa mga pagamutan.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong alas 9:59 kagabi gimbalin ng malakas na pag-uga ng lupa ang mga residente bunsod ng lindol. Sa datos ng ahensya, may lalim na 10 kilometro at nasa 17 kilometro hilagang-silangan ng Bogo City ang epicenter ng lindol na sinasabing “tectonic in origin.”
Samantala, kabi-kabilang pinsala sa walong imprastraktura ang naitala ng pamahalaang panlalawigan sa iba’t ibang bahagi ng Cebu. Kabilang sa mga nagiba sa malakas na pag-uga ng lupa ang Archdiocesan Shrine ng Santa Rosa De Lima, na isang cultural heritage sa Daanbantayan.
Ayon kay Office of the Civil Defense (OCD) deputy spokesperson Diego Mariano, patuloy ang isinasagawang assessment sa sitwasyon sa mga lugar na tinamaan ng lindol.
Kasalukuyang walang kuryente at komunikasyon sa buong Bogo City matapos masira ng lindol ang mga poste ng kuryente at cell sites. Walang kuryente sa buong Bogo City, Daanbantayan, at San Remigio. (LILY REYES)
