HINDI limitado sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kultura ng korapsyon.
Sa isang operasyon na ikinasa ng National Bureau of Investigation (NBI), arestado ang dalawang kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na umano’y nag-aalok ng mas mababang tax assessment sa mga negosyante.
Ang kapalit – bonggang delihensya.
Sa impormasyong ibinahagi ng NBI, kinilala ang mga suspek na sina Group Supervisor Grace Rikelle Lapuos at Mila Yanson na assistant ng nauna, pawang mga empleyado ng BIR Revenue District Office 044 sa Taguig City.
Ayon sa imbestigasyon, inalok umano ng tulong ng mga suspek ang Hitch Park Solutions Inc. para hilahin pababa ang buwis na kailangan bayaran ng nasabing kumpanya sa gobyerno — kapalit ng P600,000..
Dinakip sina Lapuos at Yanson sa isang entrapment operation matapos isuplong ng negosyante. Sa salaysay ng negosyante, pinagbabayad umano sila ng tumataginting na P36 milyon para sa buwis.
Sa negosasyon, ibinaba umano ang assessment sa P6 milyon na kalaunan at nauwi na lang sa P800,000. Gayunpaman, laking gulat ng negosyante dahil P200,000 lang ang nasa resibo.
Nahaharap sina Lapuos at Yanson sa mga kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct for Public Officials, at direct bribery. (EDWIN MORENO)
