PARA kay Executive Secretary Lucas Bersamin, tsismis lang ang usap-usapang balasahan sa gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang ambush interview, binigyang-diin ni Bersamin na walang dahilan ang Pangulo para balasahin ang gabinete, kasabay ng giit na ang pagtatalaga kay Vince Dizon bilang bagong Kalihim ng Department of Transportation (DOTr) ay alinsunod lamang aniya sa hiling ni former Transportation Secretary Jaime Bautista.
“Well, I do not know yet how true they are or if there is any basis. But usually, speculations are very, are always there. Eh Hindi naman namin pwedeng sabihin sa inyo unless, until na nangyari na yun, we do not have compelling reasons,” wika ng punong katiwala sa Palasyo.
Noong Huwebes inihayag ng Malacañang ang paghirang ng Pangulo kay Vince Dizon kapalit ni Bautista na umano’y piniling magbitiw sa pwesto para bigyan ng panahon ang pahinga at pagpapagamot ng iniindang karamdaman.
Itinanggi rin ni Bersamin na may grupong nagtulak kay Marcos para palitan si Bautista.
“No, no. The President and Secretary Bautista talked at length about his (Bautista) situation. There is no other consideration there except to allow Secretary Bautista to have more health,” pahabol ng opisyal.
