
SA kabila ng pagkaantala bunsod ng pasya ng Korte Suprema kaugnay ng petisyon ng mga tinaguriang nuisance candidates, kumbinsido ang Commission on Elections (Comelec) na walang magiging aberya sa paglilimbag ng mga balotang gagamitin sa nalalapit na 2025 midterm election.
Sa isang kalatas, ibinahagi ni Comelec Chairman George Garcia ang progreso sa pag-imprenta ng mga balota. Aniya, umabot na sa 27 milyon ang kabuuang bilang ng natapos na election ballots – katumbas ng 36% ng 72,107,420 balotang kailangan sa pagsapit ng takdang araw ng halalan.
Kumbinsido si Garcia na matatapos ang pag-imprenta ng mga balota sa ikatlong linggo ng Marso, para sa manual verification ng 600 tauhan ng Comelec at machine verification ng 200 makina sa pagpasok ng buwan ng Abril.
Paglilinaw ng Comelec chief, kailangan pumasa sa dalawang proseso – manual at machine verification – ang bawat sipi ng balota.
Matapos ang beripikasyon, ilalagay na ang mga balota sa vacuum-sealed boxes para hindi masira o magkaroon ng depektong posibleng dulot ng temperatura.