SA hangarin palakasin ang hanay ng pambansang pulisya, isang malawak na balasahan sa Philippine National Police (PNP) ang umarangkada sa direktiba ni acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Sa isang kalatas ng punong himpilan, walong heneral ng PNP ang apektado ng balasahan — kabilang si Davao regional police director Brig. Gen. Joseph Arguelles na pinalitan ni Brig. Gen. Leon Victor Rosete.
Bukod kay Arguelles, kasamang inilipat sa PNP Personnel Holding and Accounting Unit si Col. Jonathan Abella.
Samantala, itinalaga din ni Nartatez si Brig. Gen. Eleazar Matta bilang deputy director para sa information and communications technology management. Iniluklok naman ng hepe ng pambansang pulisya si Brig. Gen. Wilson Asueta bilang acting director ng PNP-Anti-Cybercrime Group, habang hinirang naman si Brig. Gen. Salvador Alacyang bilang acting director ng EOD/K9 Group.
Pasok din sa mga binigyan ng pwesto si Brig. Gen. Elmer Ragay na inilagay bilang acting director ng Police Drug Enforcement Group. (EDWIN MORENO)
