SA gitna ng kawalan ng tiwala ng publiko sa pamahalaan bunsod ng kabi-kabilang kontrobersiya, higit na kailangan ang kaayusan sa bansa, ayon kay acting Philippine National Police (PNP) chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Sa pagbisita kamakailan ni Nartatez sa Philippine National Police Academy, inatasan ni Nartatez ang pamunuan ng PNPA na bumuo ng mas mahusay at mas matatag na pwersa ng pulisya sa hangarin itaas ang antas ng kalidad ng police education at ang pagsiguro na ang akademya ay patuloy na makapag hubog ng mga opisyal na may disiplina, integridad, at matapat na paglilingkod.
Sa naging talakayan kasama si acting PNPA Director Brig. Gen. Andre Perez Dizon at iba pang opisyal, binigyang diin ni Nartatez na ang tunay na pagbabago sa serbisyo ng pulisya ay nagsisimula bago pa man italaga sa field ang isang opisyal — katangiang natututunan ng mga kadete sa panahon ng pagsasanay sa akademya.
Ayon sa kanya, mahalagang mapalakas ang pamunuan at instructional capacity ng akademya upang makalikha ng mga opisyal na may mataas na pamantayan ng serbisyo publiko.
Tinalakay din ng heneral ang mga proyekto sa PNPA, kabilang ang pagpapaganda ng pasilidad, modernisasyon ng training equipment, at pag-upgrade ng academic at leadership programs, lalo na ang pag-aayos ng mga gusali ng kadete, opisina ng guro, at workspace ng mga empleyado.
Binigyang diin din ng hepe ng pambansang pulisya na ang pagpapabuti ng police education ay hindi lamang tungkol sa imprastraktura o kagamitan. Kasing halaga aniya nito ang paglikha ng kapaligirang nagtatanim ng disiplina, katapatan, at tunay na malasakit sa kapwa Pilipino.
Sa kumpas ni Nartatez, tiniyak ng heneral ang pagsusulong ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman”— isang organisasyon na moderno, may prinsipyo, at tunay na konektado sa mga komunidad na pinaglilingkuran nito.
Para kay Nartatez, malaking bentahe sa PNPA ang patuloy na pagtutok ng PNP sa pagpapatibay ng pundasyon ng pagsasanay. Sa paglalaan ng pansin sa pag-unlad ng akademya at ng mga nagtuturo.
“Ang tunay na lakas ng PNP ay nakaugat sa de-kalidad na pagsasanay at sa mabuting karakter ng mga opisyal na hinuhubog ng institusyon.”
