HINDI magagawa ng Senado tanggalin si Senador Bato dela Rosa dahil sa pagliban sa trabaho — maliban na lang kung may maghahain ng pormal na reklamo sa Senate Committee on Ethics and Privileges.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, tanging ang naturang komite lang ang pwede magpasimula ng nararapat na parusa laban kay dela Rosa.
Kabilang aniya sa mga posibleng parusa ang pagpiit sa buwanang sahod, suspensyon o pagpapatalsik sa talaan ng mga mambabatas sa mataas na kapulungan.
Gayunpaman, nilinaw ni Lacson na walang kapangyarihan ang Senado bilang institusyon kung walang reklamong inihain sa ethics committee at walang rekomendasyon ang komite na ihaharap sa plenaryo.
“Ang pag-sanction ng senador or congressman, ang pwede lang magrekomenda niyan ang ethics committee. So in the absence of any complaint na nai-file sa ethics committee na ka-constitute lang, walang basehan ang Senate president o liderato ng Senado para lapatan siya ng maski anong sanction o parusa. Kasama roon ang posibleng huwag pasuwelduhin sa panahon na hindi siya nagre-report,” ani Lacson sa isang panayam sa radyo.
Una nang nagpahiwatig ng kahandaan si dating Sen. Antonio Trillanes IV na maghain ng reklamo laban kay dela Rosa kung hindi pa rin sisipot sa trabaho ang naturang senador hanggang Mayo. (ESTONG REYES)
