KUMBINSIDO ang Philippine Coast Guard (PCG) na sinadyang banggain ng Chinese Coast Guard ang BRP Teresa Magbanua na naka-angkla sa Escoda Shoal nitong Sabado.
Bitbit ang actual footage ng insidente, ipinrisinta ni Commodore Jay Tarriela na tumatayong tagapagsalita ng Philippine Coast Guard for West Philippine Sea, na ang tatlong ulit na pagsuro ng CCG 5025 unahang bahagi ng BRP Teresa Magbanua.
Para kay Tarriela, hayagang nilabag ng Chinese Coast Guard ang collision regulation nang banggain ang bahagi ng starboard quarter ng naturang barko.
Wala naman aniyang nasaktan sa sakay ng BRP Magbanua na nagtamo na malaking pinsala.
Sa kabila ng malinaw na kuha ng video sa insidente, nagpalabas na agad ng pahayag ang China Embassy sa Maynila na ang BRP Magbanua ng PCG ang bumangga sa isang barko ng CCG.
Sa mga nakalipas na linggo, limang insidente na ng banggaan bunsod ng di umano’y dangerous maneuver ng Chinese Coast Guard ang naitala ng bantay-dagat ng bansa sa West Philippine Sea na pasok sa 200-nautical mile Philippine Exclusive Economic Zone.
