KUMBINSIDO ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na malaglag sa kamay ng batas ang puganteng negosyante sa likod ng kontrobersyal na kaso ng mga tinaguriang “missing sabungero.”
Para kay CIDG – National Capital Region chief Col. John Guiagui, malaking bentahe sa pagtugis kay Charlie “Atong” Ang ang pakikipagtulungan ng komunidad para sa ikadarakip ng puganteng negosyante.
Katunayan aniya, umabot na sa 40 impormasyon ang natanggap ng CIDG mula ng inilunsad ang hotline kung saan pwedeng makipag-ugnayan para sa impormasyon sa posibleng kinaroroonan ni Atong.
Samantala, nilinaw ni Guiagui na wala pang linaw kung totoong nasa Cambodia o Thailand matapos lumabas ang ulat hinggil sa posibilidad na nakalusot na palabas ng bansa si Ang.
Ayon sa CIDG chief, “wala pang sighting” kay Ang sa mga nabanggit na bansa.
Sa ngayon aniya, syento-por-syento ang pa rin ang pagsisikap ng CIDG halughugin ang mga lugar kung saan sinasabing may pag-aari ang kontrobersyal na gaming tycoon.
Bilang patunay, 14 na lugar na umano ang nasuyod ng CIDG mula nang sumipa ang manhunt operation laban kay Ang na nahaharap sa patong-patong na kasong kidnapping with homicide. (EDWIN MORENO)
