KESEHODANG sa kinalabasan ng halalan, obligadong magsumite ang mga kandidato sa nakalipas na Halalan 2025 ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Babala ni Commission on Elections (Comelec) spokesperson Rex Laudiangco, hindi na palalawigin ang June 11 ultimatum (30 araw matapos ang eleksyon), alinsunod sa Omnibus Election Code.
Sa paraan ng pagsusumite, nilinaw ni tagapagsalita ng komisyon na hindi tatanggapin ng Comelec ang mga SOCE na ipapadala sa pamamagitan ng email o registered mail, kasabay ng giit na kailangan umanong personal na magtungo ang mga kandidatong isasalang sa physical verification ng mga orihinal na dokumento, pirma at mga resibo.
Para sa mga nanalong kandidato na hindi tatalima, hindi aniya pwedeng umupo hanggat hindi pa nakakapagsumite ng SOCE.
Sa ilalim ng umiiral na batas, pagmumultahin din umano ang mga susuway sa unang pagkakataon — perpetual disqualification naman kung dati nang hindi nagsumite ng SOCE.
