GINIMBAL ng puganteng former Ako Bicol partylist congressman Zaldy Co ang sambayanan matapos inguso si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at pinsan na si dating House Speaker Martin Romualdez na di umano’y utak sa likod ng P100-billion budget insertion sa ilalim ng 2025 national budget.
Sa inilabas na video na ipinamahagi sa media, isiniwalat ni Co ang pagtawag sa telepono ni Budget Secretary Amenah Pangandaman habang tinatalakay ang panukalang 2025 national budget sa Bicameral Conference Committee (Bicam).
“Ang sabi niya, katatapos lang ng meeting nila ni Pangulo at may instructions na mag-insert o magpasok ng P100 billion worth of projects sa Bicam. At sinabi pa ni Sec. Menah, you can confirm with Usec. Adrian Bersamin dahil magkasama sila sa meeting ni Pangulong BBM nung araw na ‘yun,” wika ni Co.
Nang tawaganumano niya si Bersamin, kinumpirma ng Palace official ang direktiba ng Pangulo hinggil sa budget insertion.
“Ang sabi niya ay totoo nga po.”
Gayundin aniya ang iginiit ni Romualdez — na kung ano ang gusto ng Pangulo, dapat masunod.
Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Co na ipinatawag siya at si Romualdez sa isang pagpupulong nina Pangandaman at Bersamin sa Aguado Building, Malacañang kung saan ibinigay ang listahan ng mga proyekto na galing umano sa brown letter bag ni Pangulong Marcos.
Makalipas ang ilang araw ay kinausap umano ni Co sina Romualdez, Pangandaman, Bersamin, at Cadiz upang tanungin kung maaaring P50 bilyon lamang ang ilagay sa programmed funds ng 2025 budget at ang P50 bilyon ay sa unprogrammed appropriations para hindi masyadong halata ang paglabag sa 1987 Constitution kung saan may probisyon nagsasabing edukasyon ang dapat bigyan ng pinakamalaking alokasyon.
“Pagkatapos ng isang araw tinawagan ako Sec. Mina at sinabi ang mensahe ng Pangulo, ‘ipasok ninyo ‘yan’ dahil ipinangako na sa akin ni Speaker Martin ‘yan at hindi na pwede ang baguhin kung baga ang utos ng hari hindi pwede ang mabali,” kwento pa ng puganteng kongresista.
Nang isangguni kay Romualdez ang sinabi ni Pangandaman — “Ang sabi niya wala tayong magagawa.”
“Kaya po nagtataka ako kung bakit sinasabi ni Pangulo na hindi niya makilala ang budget samantalang lahat na binawas at idinagdag sa mga agenda ng gobyerno ay humihingi ng approval sa kanya si Sec. Mina Pangandaman,” aniya pa.
Ginawa umano ni Co ang pagkanta sa paniwalang siya’y nalagay sa balag ng peligro sa pagnanais umano ng administrasyon na siya’y patahimikin.
“Tumikom ang aking bibig, sumunod ako. Pero ang hindi ko alam, ang ibig pala nilang sabihin sa aalagaan ka namin ay gagamitin ako bilang panakip-butas sa kanilang kampanya laban sa korapsyon. Ginawa nila akong poster boy ng kanilang sariling kasinungalingan,” dagdag pa nito.
Nagpahayag din ng kahandaan si Co ilabas ang katotohanan ng “May resibo, may ebidensya, at may pangalan.”
Samantala, todo tanggi ang Palasyo sa isiniwalat ng dating kaalyado ng Pangulo.
“All the charges against the President are pure hearsay. Let us not forget President Marcos Jr. himself exposed all these flood control anomalies,” pahayag ni Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez, kasabay ng hamon kay Co na bumalik sa bansa at pirmahan lahat ang sinabi nito under oath sa tamang judicial authorities.
Sa panig ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, tinawag niyang imbento ang pasabog ni Co.
“Dahil lumiliit na ang mundo ni Co, kailangan niyang umiiwas at iiwas ang sarili at mag-name drop kahit walang katibayan at laway lang ang puhunan,” dagdag ni Castro.
