ISA pang prominenteng mambabatas na kilalang malapit kay dating House Speaker Martin Romualdez, ang target ng isang imbestigasyon kaugnay ng umano’y pagtanggap ng tumataginting na P1.6 bilyon mula sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang panayam sa Bilyonaryo News Channel, partikular na tinukoy ni Ombudsman Crispin Remulla si Pampanga Rep. Aurelio Gonzales.
Ayon kay Remulla, kumubra umano ng bilyon-bilyong piso ang construction firm ng pamilya.
Nagsimula umano ang pagtanggap ng P1.6 bilyon ng kompanyang AG Gonzales Jr. Construction & Trading Co. Inc. – na nakapangalan ilang kaanak ng mambabatas – nang maupo si Gonzales sa Kongreso noong taong 2016.
Kabilang rin sa sinisilip na basehan ni Remulla ang SEC filings ng 2025, kung saan nakatalang pinuno ng AG Gonzales Jr. Construction & Trading Co. Inc. ang mga anak ng kongresista.
Batay sa datos ng SEC, pasok sa AG Gonzales Jr. Construction & Trading Co. Inc San Fernando, Pampanga Vice Mayor Aurelio Brenz Gonzales bilang presidente, Aurelio Gonzales III bilang vice president, at Aurelio Michaeline Gonzales bilang secretary at treasurer.
Batay naman sa mga record ng DPWH, bagama’t siyam lamang ang kontrata mula 2017 hanggang 2025, umabot sa bilyon ang kabuuang halaga, at ilan ay direktang inaward ng DPWH Central Office.
Inihayag naman ng Ombudsman na bahagi ang imbestigasyon ng crackdown laban sa mga “cong-tractor” o mga kongresista na contractor din ng gobyerno at sa mga posibleng paglabag sa mga batas tungkol sa prohibited interests.
