PAGKAKAROON ng budget insertions at malaking kapabayaan partikular sa panahon ng nakalipas na administrasyon ang itinuturong ugat sa kontrobersyang pumukaw sa atensyon ng publiko.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Manila Rep. Joel Chua ang mga flood control projects sa panahon ng panunungkulan ni former President Rodrigo Duterte.
Sa pagbubukas ng House Infra-Comm, nanindigan si Chua na tumatayong chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, kinastigo ng mambabatas ang mga kabulastugan sa mga pagawaing bayan.
“Mainit na usapin nitong mga nakaraang linggo ang mga anomalya sa national infrastructure projects na ibinahagi mismo ng Pangulo at ng ilang opisyal ng gobyerno. Naglabasan ang mga pangalan ng mga contractor na paulit-ulit nabigyan ng flood control projects – mga proyektong kalaunan ay napatunayang ghost projects o kaya naman ay may mababang kalidad ng pagkakagawa, o di kaya’y mga contractor na undercapitalized ngunit nabigyan ng malalaking proyekto,” bungad ng ranking House official.
Ayon kay Chua, hindi bago ang sumambulat na katiwalian na naging talamak sa panahon ni Duterte. Tulad na lang aniya ng budget insertions sa pagbalangkas ng taunang national budget.
Paalala ng Manila congressman, noong pang 2017 hanggang 2020 ay nag-isyu na ang Commission on Audit (CoA) ng red flag sa libu-libong proyekto dahil sa delay, depektibo at hindi tuwiran pagkakaroon ng implementasyon. Ang resulta — bilyon-bilyong pondo ng bayan ang nasayang.
“Noong 2017 pa lang, nagsimula nang mag labasan ang mga babala. Sunod-sunod ang mga ulat ng COA mula 2017 hanggang 2020 na naglantad ng ilang libong proyektong delayed, depektibo, o tuluyang hindi naipatupad – na nagkakahalaga ng daan-daang bilyong piso,” ani Chua.
“Noong 2018, iniulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) ang pagkakasangkot ng ilang malalaking contractor sa mga flood control projects na na-delay o hindi natapos,” dugtong ng kongresista.
“Noong 2019 naman, mismong House Committee on Appropriations ang nakatuklas na maraming flood control projects ang prone sa tinatawag na budget insertion – mga proyektong isinisingit sa pondo nang walang malinaw na konsultasyon o batayan. Ayon sa naturang ulat, umabot sa bilyon-bilyong piso ang halaga ng mga proyektong isinisingit, na nagbukas ng malawak na puwang para sa katiwalian at maling paggamit ng kaban ng bayan,” aniya pa.
Ang Infra-Comm ay binubuo ng Committees on Public Accounts; Good Government and Public Accountability, at ng Public Works and Highways, na nagsimula na ng kanilang imbestigasyon hinggil sa mga maanomalyang flood control projects at iba pang infrastructure programs.
Samantala, nilinaw ni Chua na ang tungkulin ng the Infra-Comm ay tukuyin ang mga dahilan at butas sa batas at kung bakit nangyayari ang mga talamak na katiwalian.
“Ang tanong, sa flood control lang ba ito?,” sambit pa ng House panel head bilang pahiwatig sa posibilidad ng mas malawak na saklaw ng pagsisiyasat ng Kamara.
“Ngunit lilinawin natin, ang pag-imbita sa mga resource persons natin ngayon ay hindi para magturuan o magsiraan. Nandito tayo upang tukuyin kung saan nakakalusot ang katiwalian, paano ito nagiging posible, at sino ang nakikinabang,” pagtitiyak naman niya.
“Siguro po ay sang-ayon ang lahat na uhaw tayo sa good governance sa kasalukuyang konteksto – dahil sa bawat pagdalaw ng bagyo ay lumulubog tayo. Para po sa seguridad ng buhay at kabuhayan ng mamamayang Pilipino, at para sa isang kinabukasang hindi na muling magmamana ng mga kapabayaan at katiwalian ng nakaraan,” pagtatapos ni Chua. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
