PARA kay Surigao del Sur Rep. Romeo Momo, chairman ng House Committee on Public Works and Highways at co-chair ng tinaguriang Infra-Comm ng Kamara, lumala ang korapsyon dahil sa kawalan ng transparency at accountability sa paggastos sa pondo ng gobyerno.
Sa pagbubukas ng tri-committee congressional inquiry, sinabi ni Momo na ang butas sa proseso ng pag-apruba sa national budget, kabilang ang kuwestyunableng budget insertion ang isa sa dahilan ng multi-billion flood control controversy.
“Bakit may mga ulat na P469 bilyon sa repeat funding para sa mga proyektong dapat ay tapos na o hindi na kailangan?” tanong ng House panel head, kasabay ng giit na ang anomalya ay nagsisimula sa insertions at pagpapatupad sa nilalaman ng National Expenditure Program (NEP).
“Bakit may mga distrito tulad ng Marikina at Antipolo na hindi kasama ang mga tunay na pangangailangan, samantalang may ibang proyektong matagal nang nakatayo pero patuloy na pino-pondohan?”
Ayon kay Momo, bagama’t inaaprubahan ng Kongreso ang paglaan ng budget sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA), ang NEP naman ay nagmumula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, na dumadaan naman muna sa Department of Budget and Management (DBM) at Development Budget Coordination Committee (DBCC).
“Bagaman Kongreso ang naglalabas ng GAA ay hindi naman siya ang gumagastos ng pera. Nariyan din ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno na nag-implement nito,” diin pa ni Momo.
Paliwanag ng Surigao del Sur solon, may ‘four stages’ ang budget process; ang “preparation, authorization, execution, and accountability,” na bagama’t mayroong mekanismo para matiyak na magiging bukas at transparent ito, ay nagagawa pa rin mapalusutan.
“The recurring scandals in flood control show that the problems begin with the way projects are identified and entered into the NEP. Mahaba at masalimuot ang prosesong pinagdadaanan ng bawat piso bago ito makarating sa national budget na alam ng tao,” giit ni Momo.
“Maraming butas sa bawat yugto – mula NEP na hindi lantad, hanggang sa mg safeguards tulad ng performance bonds at retention funds na hindi ganap na naipapatupad,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi ni Momo na sa mismong pagbubunyag ni President Ferdinand Marcos Jr. sa malawakang katiwalian sa flood control projects, tanging ang 2024 at 2025 GAAs lamang ang nasilip at naniniwala siyang ang sistematikong pagwawaldas at kontrobersiya sa nasabing proyekto ay nagsimula pa noong mga nakalipas na administrasyon. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
