
SA dami ng suliranin ng mga mamamayan, hindi angkop na sila’y pilipitin, ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC) kasabay ng panawagan ng mga power-generating companies at distribution utilities na huwag biglain ang singil sa ipinataw na umento sa presyo ng kuryente.
Hirit ng ERC, hatiin sa 12 buwan ang dagdag-singil sa konsumo ng elektrisidad para hindi naman anila mabigatan ang mga mamamayan – partikular ang mga pamilyang sadlak sa kahirapan.
Ayon sa Department of Finance (DOF), iminungkahi ng Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook (IAC-IMO) sa ERC na gawing utay-utay ang itataas na singil sa kuryente.
Ani Finance Secretary Ralph Recto, maingat na binabalanse ng pamahalaan ang mga hakbang na tatahakin para masigurong hindi mabubutas ang bulsa ng mga tao sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“We are vigilantly tracking persistent inflation drivers and employing a whole-of-government approach in crafting data-driven policy measures to effectively counter their effects in a sustainable manner. Our top priority is to ensure that the majority of Filipinos, especially the poor and vulnerable, benefit from these interventions,” wika ng Kalihim.
Umakyat sa 3.9% ang inflation nitong Mayo mula sa 3.8% noong Abril dahil sa presyo ng gasolina, kuryente at transportasyon.
Bumagal man ang inflation sa bigas noong Mayo sa 23% mula 23.9%, mataas pa rin ito at nakakabahala para sa pamahalaan dahil lampas pa rin ito ng 20%.