HINDI pa man ganap na naparusahan ang mga negosyanteng nabisto sa modus sa likod ng hoarding, profiteering at pagdidikta ng presyo ng sibuyas sa merkado, luya naman ang pinuntirya ng sindikato.
Pag-amin ng Department of Agriculture (DA), doble-kayod ngayon ang kagawaran para tugunan ang di umano’y kapos na supply ng luya sa mga pamilihang bayan sa Metro Manila.
Batay sa pinakabagong monitoring report ng DA, pumalo na sa P300 kada kilo ang bentahan ng luya sa mga palengke sa Metro Manila sa nakalipas na dalawang linggo.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Ching Caballero, naghahanap na ang kagawaran ng iba pang pwedeng pagkunan ng supply ng luya sa para maibsan ang kailangan ng supply na dahilan sa likod ng pagtaas sa presyo ng naturang produkto sa merkado.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na ibebenta sa murang halaga ang mga papakyawing luya sa Kadiwa Centers (hindi sa palengke).
We are monitoring now kung saan mga area na meron pang supply na available so we can bring in through the Kadiwa system,” ani Caballero.
“Ang ginagawa namin ngayon ay i-schedule ang production sa mga lugar na hindi pa nata-tap noon para gawin ang production for commercial use,” pagtatapos ni Caballero.
