MATAPOS magpasaring sa umano’y korapsyon sa Sandiganbayan, binuking naman ni Ombudsman Crispin Remulla ang umano’y modus sa loob ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sa isang panayam sa radyo, partikular na tinukoy ni Remulla ang modus na tinawag niyang “freeze and float”.
“May isa pa akong naging problema. Ang isang problema na tinitingnan ko ngayon itong Anti-Money Laundering… kasi parang ginagawa nilang opportunity para kumita. Pino-float na lang nila ‘yung pera, freeze and float,” wika ni Remulla.
“May problema tayo. Its taking them a long term again. Bumabagal ang phase ng Anti-Money Laundering… ‘yung AMLA hindi ‘yung council lang pero ‘yung AMLA mismo… executive director down, ‘yung board… may problema tayo, ang bagal, too slow,” dagdag ni Remulla.
Bukod sa mabagal, kulang din aniya sa angkop na pagsusuri ang AMLC.
“Sasabit nila lahat, hindi naman nila na-analyze talaga. Mabagal silang mag-analyze. Ayaw nilang kumonsulta sa ibang tao, sila-sila lang,” dugtong ng Ombudsman.
Mungkahi ni Remulla sa AMLC, kumonsulta sa Department of Justice.
Pag-amin ni Remulla, lubha siyang nadismaya nang makipagpulong minsan sa mga opisyales ng AMLC.
“Nagkaroon kami ng meeting sa opisina… pero after five minutes tumayo na ako kasi disappointed ako sa AMLA… Anti-Money Laundering Authorities.”
