Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
TINABLA ni former Cebu City Mayor Tomas Osmeña ang rekomendasyon gawing hepe ng lokal na pulisya ang noo’y Col. Royina Garma na di umano’y bahagi ng malawakan at sistematikong patayan sa giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Sa pagsalang ni Garma sa ikaanim na House Quad Comm hearing, itinanggi rin ni Osmeña na personal silang magkilala ni Garma.
Gayunpaman, batid niya di umano ang papel na ginagampanan ng koronel mula sa Davao City sa Oplan Tokhang sa ilalim ng administrasyon ni former President Rodrigo Duterte.
“It (report) says that when Garma was head of CIDG she was collecting P1 million a week. I cannot accept this for Cebu City. And her bagman was a certain SPO4 Art,” paglalahgad pa ni Osmeña.
“Now it appears that SPO4 Art is not only a lover. She brought this policeman with her when she was appointed to PCSO,” dagdag niya.
Samantala, aminado ang dating alkalde na nagdamdam ang dating Pangulo dahil sa pananabla kay Garma.
Aniya, masyadong malakas ang dating ni Garma kay Duterte.
Katunayan aniya, sinuspinde siya ng Office of yhe Ombudsman sa udyok ni Garma kaugnay ng kanyang pagtatanggol sa tatlong vendors na inargabyado ng mga pulis.
“Fortunately, the Ombudsman reversed its decision. The decision came out today. I am no longer suspended, I’m not even a mayor anymore,” dugtong ni Osmeña.
Sa salaysay ni Osmeña, napaisip si Laguna Rep. Dan Fernandez, Quad Comm co-chairman, na maaaring ang bagman ni Garma na tinutukoy ng una ay si SPO4 Arthur Solis, na siyang inginuso ng dalawang bilanggo na idinadawit sa pagpatay sa tatlong suspected Chinese drug lords sa loob mismo ng Davao Prison and Penal Farm noong August 2016.
Samantala, sinabi ni Osmeña sa joint House panel na maaari niyang sabihin ang nalalaman sa illegal POGO sa Lapu-Lapu City na ni-raid noong nakaraang buwan subalit mas marami umano siyang nalalaman sa isyu ng EJKs.
“I can tell you that there were innocent policemen and civilians killed. I will tell you more in your next hearing.”
