HIGIT pa sa ipinamalas na husay ng 2024 Outstanding Government Workers ang kayang ibigay ng mga kawani ng pamahalaan, ayon kay Civil Service Commission (CSC) chairman Karlo Nograles.
Partikular na tinukoy ni Nograles ang 28 indibidwal at mga grupong pinarangalan sa Palasyo bunsod ng husay sa larangan ng serbisyo publiko.
Hamon ni Nograles, higitan pa ang pinamalas na dedikasyon sa pagsisilbi ng mga kapwa Pilipino.
“Widen the scope of your good work and influence and share your experience with others,” pahayag ng CSC chair.
Wika pa ng longtime public official sa mga awardee “sa ating mga pararangalan ay isang hamon: Palawigin pa ninyo ang inyong mabuting gawain at impluwensiya, at ibahagi ang inyong mga karanasan sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto.”
Inatasan din ni Nograles mga katangi-tanging public servant na panatilihin ang mataas na antas ng paglilingkod para magsilbing huwaran sa iba — hanngang sa tuluyang makamit ang maunlad at mapayapang pamumuhay para sa lahat.
“Ang layunin natin ay ang patuloy na pag-unlad at pagpapabuti ng ating pagseserbisyo. Gawin natin ito nang may dedikasyon at pagmamahal sa ating bayan, hindi lamang upang madoble o ma-triple ang bilang ng mga pararangalan natin sa mga susunod na taon, kundi upang makamit natin ang ating pangarap, ang ating aspirasyon ng isang matatag, maginhawa, at panatag na buhay para sa lahat,” sambit ni Nograles, na isang Davaoeño.
Paliwanag niya, ang taunang Search for Outstanding Government Workers ay nakatuon sa pagkilala sa dedikasyon ang inspirasyon sa kapwa kawani ng pamahalaan tungo sa mas malalim na pakikibahagi sa serbisyo publiko.
Mayroong tatlong magkakaibang awards ang iginawad – Presidential Lingkod Bayan Award, Outstanding Public Officials and Employees (Dangal ng Bayan) Award, at Civil Service Commission (CSC) Pagasa Award.
Anim na indibidwal at grupo ang ginawaran ng Presidential Lingkod Bayan Award; habang 10 ang tumanggap ng Dangal ng Bayan Award — bukod pa sa walong indibidwal at isang grupong nakasungkit ng Pagasa Award.
Pinuri naman ni Nograles ang mga nakaraang awardee sa ambag para maitaguyod ang kahusayan sa government service.
“Dahil sa kanila, mas marami na ang lubos na natutuwa sa mga pagbabago sa paraan ng paglilingkod ng mga kawani ng gobyerno sa mamamayang Pilipino — ilan sa mga ito ay ang mas mabilis at mas maginhawang aplikasyon sa mga programa, mas madaling paghingi ng social assistance at ayudang pangkabuhayan at pag-nenegosyo, mga inisyatibong nagsusulong sa paggamit ng makabagong teknolohiya sa agrikutura, at marami pang iba.”
