PARA sa Palasyo, walang dahilan para isapubliko ang medical bulletin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasabay ng giit na hindi dapat gawan ng intriga ang hindi pagdalo ng punong ehekutibo sa mga official activities sa loob at labas ng Malacanang.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi mahalagang usapin ang pagliban ng Pangulo lalo pa’y may itinalaga naman umanong kinatawan si Marcos.
Partikular na tinukoy ni Castro si Executive Secretary Ralph Recto na tumayong kahalili ng Pangulo.
Paglilinaw ng Palace official, hindi malala ang karamdaman ng Pangulo. Hindi rin aniya totoong “life-threatening” ang diverticulitis na diagnosis ng mga dalubhasa mula sa St. Luke’s Medical Center.
“Sa ating pagkakaalam po kapag naglabas ng medical bulletin dapat serious illness. Kung sinabi ng Pangulo na hindi ito life-threatening, so bakit kailangan pa ang medical bulletin?” ani Castro.
Samantala, iginiit ni Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez na gumaganda na ang kondisyon ni Marcos na batay sa pinakahuling pagsusuri ng doktor ng Pangulo.
Patuloy pa rin naman ani Gomez ang pagtatrabaho ni Marcos.
Araw ng Martes nang bumalik sa ospital ang Pangulo para sa follow-up check-up at bumalik din sa Malacañang pagkatapos ng isang oras.
Kung meron man aniyang mga aktibidad na hindi madaluhan ng Presidente, si Executive Secretary Recto ang hahali at iba pang miyembro ng gabinete.
