Ni LILY REYES
HINDI angkop ang pagkakalat ng tsismis na pwedeng magdulot ng panic, ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos kasabay ng babala sa mga tinawag niyang Marites na di umano’y nagpapalaganap ng maling impormasyon kaugnay ng oil spill sa Bataan.
Bilang paunang hakbang, tiniyak ni Abalos ang pagsasagawa ng lingguhang inspeksyon at briefing para ipabatid sa publiko ang aktwal na sitwasyon sa mga lugar na apektado.
Ani Abalos, ang pagiging bukas ng pamahalaan sa tunay na estado ng karagatan kung saan lumubog ang MT Terra Nova na may kargang hindi bababa sa 1.4 milyong litro ng krudo, ay ang pinakamabisang panlaban sa mga Maritess na aniya’y nagkakalat ng “fake news.”
Katunayan aniya, nagsagawa na ng aerial inspection ang pamahalaan para matukoy ang lawak ng pinsala – “Kaya namin ginagawa ito kasi ayaw naming magpanic ang mga tao. Anything na there’s tsismis, na there is misinformation, doon magkakaroon ng haka-haka. Doon magkakaroon ng panic at alarm.”
“Ito yung ipinangako namin sa inyo, na tayo’y lilibot para makita ninyo ang actual [situation]. Ano yung nangyayari on the ground. Yung gusto naming ipakita na handa ang national government dito sa lahat ng aspeto,” paliwanag pa ng Kalihim.
Kasabay nito, nagpahayag ng suporta si Abalos sa imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) sa sistemang “paihi” sa paniwalang mailalantad ang lahat ng sangkot na partido.
“Dapat imbestigahan ito at yung mga may kasalanan naman, ay talagang dapat idemanda,” giit ng DILG chief.
Ang sistemang “pahi” ay isang pamamaraan na ginagamit ng mga smuggler upang maiwasan ang pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng paglilipat ng kanilang mga produktong langis sa mas maliit na barko sa pagpapadala bago magsagawa ng aktwal na paghahatid.
